Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Artikulo
MULING PAGTUKLAS SA ISANG KINALIMUTANG BAYANI: ISANG PAGTALAKAY SA MGA BAGONG PAG-AARAL TUNGKOL KAY TAN MALAKA Ferdinand Philip F. Victoria Mentari Junior High School - Jakarta, Indonesia
Abstrak Nananatiling isa sa mga kontrobersyal na lider-rebolusyonaryo si Tan Malaka sa kasaysayan ng Indonesia. Sa kabila ng pagkilala sa kanya ng estado bilang isang pambansang bayani, sadya rin siyang binura ng estado mula sa kolektibong alaala nito sa loob ng tatlong dekada dahil sa kanyang diumano’y maka-Komunistang pananaw. Nakatulong ang repormang demokratiko ng Indonesia sa muling pagtuklas kay Malaka. Naging bahagi sa proseso ng muling pagpapakilala sa madla sa kasalukuyang henerasyon ang pagbabago ng kanyang imahen mula sa isang maka-Kaliwang kalaban ng estado patungo sa pagiging “Ama ng Republika ng Indonesia.” Makikita ang patuloy na proseso ng pag-angkin kay Malaka sa loob ng nasyonalistang naratibo ng kasaysayan ng Indonesia sa mga akdang sinuri mula 2010 hanggang 2014. Kasabay na rito ang umuusbong na interes sa mga ideya ni Malaka mula sa mga Pilipinong manunulat. Sa kabuuan, sinususugan ng mga akdang nasuri ang dalawang pangkalahatang tema tungkol sa pananalambuhay kay Malaka na inilahad ni Harry Albert Poeze (2008a). Idagdag pa rito ang patuloy na kontrobersya sa pagdadalumat sa katauhan at kahalagahan ng mga kaisipan ni Malaka bilang pambansang bayani para sa kasalukuyang henerasyon.
Ingatlah bahwa dari dalam kubur suaraku akan jauh lebih keras daripada di atas bumi. Tandaan ninyo: Ang tinig kong magmumula sa libingan ay higit pang lalakas kaysa habang ako’y nabubuhay.1
59
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Noong Pebrero 7, 2014, isang grupo ng mga Indones sa lunsod ng Surabaya, Silangang Java (tingnan ang Mapa 1) ang nagsagawa ng protesta laban sa isang isasagawang book talk tungkol sa rebolusyonaryong Indones na si Ibrahim Datuk Tan Malaka (1897?-1949) na isinulat ng senior KITLV researcher na si Harry Albert Poeze.2 Si Poeze ay isang Olandes na nangungunang eksperto sa buhay ni Malaka. Ang panayam ay tungkol sa isang bagong saling akda na orihinal na nalathala noong 2007. Ang salin ay magkasamang inilathala ng Yayasan Obor Indonesia (YOI) at KITLV-Jakarta, na siya ring nag-ayos ng panayam. MAPA 1 Mga Lugar na May Kaugnayan kay Tan Malaka
[Likhang mapa ng may-akda na halaw ang blangkong mapa sa D-maps (2015)]
60
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Ayon sa isang ulat, nagpiket ang ilang dosenang miyembro ng konserbatibong grupong Prenteng Tagapagtanggol ng Islam (FPI) sa harap ng pagdarausan ng panayam bago ito nakatakdang isagawa. Ayon sa pinuno ng sangay ng FPI, hiniling nila na huwag bigyan ng lokal na kapulisan ng permiso ang panayam sapagkat: “Ito ay isang pagpupulong ng mga miyembro ng Partido Komunista ng Indonesia (PKI) sa Surabaya.” Idinagdag pang ang ideolohiyang komunista ay taliwas sa katuruang Islam, sa pilosopiyang pambansa na Pancasila at ng Saligang-Batas. Maging sa kanilang Twitter account ay ganito ang isinaad: “Huwag paloloko sa mga ahente ng dayuhang nagtuturo na kailangang kilanlin ng ating bansa [ang] #communist! I-hashtag natin ang #IndonesiaWithoutCommunist” (Jakarta Globe 2014) (akin ang malayang salin). Dahil dito, hindi nag-isyu ng permiso ang kapulisan at kinansela ng YOI ang panayam. Ang desisyong ito ay kinondena ng Kontras Surabaya, isang organisasyong pangkarapatang-pantao (Jakarta Globe 2014). Nagkaroong muli ng isang piket sa lunsod ng Semarang noong Pebrero 17 na muling nauwi sa kanselasyon ng panayam (Parwito 2014; Liputan6 2014). Nasambit ni Poeze sa isang panayam sa isang pamantasan ilang araw makalipas ang insidente sa Surabaya ang kanyang pagtataka sa naturang reaksyon gayong siya mismo ay hindi komunista at maging si Malaka ay humiwalay sa PKI noong 1927. Bilang isang “tagasaliksik lamang sa buhay ni Tan Malaka,” naniwala siyang ang pag-unawa sa kontekstong historikal sa pamamagitan ng malayang talakayan ng ideya ay bahagi ng proseso ng demokratisasyon sa Indonesia at pagbibigay-halaga na rin kay Malaka bilang isang Pahlawan Nasional Indonesia o Pambansang Bayani ng Indonesia (Chandra 2014). Pinatutunayan ng insidenteng ito na magpahanggang ngayon, nananatiling kontrobersyal ang pagtingin ng publiko tungkol sa pamana ni Malaka. Sa kabila ng pagkakahirang sa kanya bilang isa sa mga Pambansang Bayani noong 1963, naging tabu ang pagtalakay o pagsulat tungkol sa kanyang buhay bagama’t hindi pormal na binawi ang titulo. Nito lamang huling dalawang dekada unti-unting nakikilala ng madla ang naging ambag ni Malaka sa kasaysayan ng bansang Indonesia. At ang pagkakatuklas ng kanyang diumano’y mga labi noong Setyembre 2009 ay nagdulot ng interes na muling tingnan ang buhay at kaisipan ng tinawag na Sang Revolusioner Sejati o Ang Tapat na Rebolusyonaryo (Badruddin 2014). Tila nagkakatotoo ang mga binitiwang salita ni Malaka sa itaas. Bilang paggunita sa ika-70 taong anibersaryo ng deklarasyon ng kalayaan ng bansang Indonesia, napapanahon ang isang pagbabalik-tanaw sa ilang bagong akda tungkol sa kanya at ang kontribusyon nito sa pag-unawa ng kanyang buhay at kaisipan sa kasaysayan ng Indonesia at Pilipinas. Bibigyang-pansin ng artikulong ito ang mga akdang nakalap na nalathala mula 2010 hanggang 2014.
61
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
MAIKLING PAGPAPAKILALA KAY TAN MALAKA Tinawag siya ng isang aklat bilang “Che Guevara ng Indonesia” (Puspa Swara 2013, 42). Inihanay siya bilang Bapak Bangsa o Ama ng Bansa sa isang espesyal na apat na tomong serye ng talambuhay kasama sina Sukarno, Mohammad Hatta, at Sutan Sjahrir na inilabas ng magasing Tempo noong 2010 bilang Tan Malaka: Ang Kinalimutang Ama ng Republika ng Indonesia. Sino nga ba si Malaka? Siya ay isang lider-rebolusyonaryong maka-Kaliwa, organisador, paham, guro, at manunulat. Nagmula siya sa etnikong grupong Minangkabau na tagaSuliki, Kanlurang Sumatra (Tingnan ang Mapa 1.) at pinalad makapag-aral sa Olandya, na kung saa’y namulat siya sa sosyalismong Marxista. Sa kanyang pagbabalik sa Hindia Belanda (kolonyal na tawag sa Indonesia), nagtayo siya ng isang inobatibong sistema ng edukasyon, naging lider-unyon at pinuno ng PKI noong 1921. Ipinatapon siya ng pamahalaang kolonyal sa Olandya noong 1922. Naging isa siyang tagapagsulong para sa sintesis ng Pan-Islamismo at Komunismo. Itinalaga siya ng Unyong Sobyet bilang kinatawan ng Komintern para sa Timog Silangang Asya. Mula 1923 hanggang 1942, nanirahan siya sa iba’t ibang lugar tulad ng Tsina, Pilipinas, at Singapore bilang isang puganteng pulitikal at patagong nakabalik lamang sa Indonesia nang sakupin ng bansang Hapon ang kolonya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa hindi niya pagsuporta sa desisyon ng PKI na ituloy ang malawakang pag-aalsa noong 1926, pinutol ni Malaka ang ugnayan niya sa PKI at Komintern. Mula 1942 hanggang Agosto 1945, patagong nanirahan si Malaka sa Indonesia at sa panahong ito sinulat niya ang kanyang obra maestrang Madilog, na siyang akronim ng mga salitang Materyalismo, Dialektika, at Lohika (Badruddin 2014, 40-51, 80-91, 105-214; Poeze 2008b, xv-xix). Muling nagbalik at nakilala sa larangang pulitikal si Malaka sa simula ng Rebolusyong Indones at itinalaga ng tambalang Sukarno-Hatta bilang isa sa mga kahaliling pulitikal (political successor). Bumuo siya ng isang koalisyon—ang Persatuan Perjuangan o Nagkakaisang Pakikibaka—upang isulong ang Rebolusyon. Ngunit nang nakabangga niya ang ilang grupong pulitikal dahil sa kanyang oposisyon sa patakarang Diplomasi o diplomatikong solusyon bilang paraan ng pakikitungo sa mga Olandes ay nagresulta ito sa kanyang pagkakaaresto at pagkakakulong mula 1946 hanggang 1948 sa utos ng pamahalaan ng Republika. Sa panahong ito sinulat niya ang Dari Penjara Ke Penjara o Mula Bilangguan Hanggang Bilangguan, isang paggunita at paglalagom sa mga kadahilanan ng kanyang pakikibaka (Fakih 2015, 8-9, 15-27). Muli siyang nagtayo ng partido sa kanyang paglaya ngunit ang magkasunod na pag-aalsa ng PKI at ang opensibang isinagawa ng mga Olandes noong Setyembre at Nobyembre 1948 ay nagpaigting sa suspetsa ng mga puwersang Republikano na may intensyong magtayo ng sariling pamahalaan si Malaka. Hinuli siya ng mga elemento ng Pambansang Hukbo ng Indonesia (TNI) at binaril sa isang liblib na pook sa Kediri, Silangang Java noong Pebrero 62
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
21, 1949. Sa kabila nito, pormal siyang idineklara ni Pangulong Sukarno bilang Pahlawan Kemerdekaan Nasional o Bayaning Nakibaka para sa Kalayaan ng Bansa sa bisa ng isang dekreto ng Marso 28, 1963 (Rahman 2013, 220-275, 290-291; Poeze 2014, 214-228). Mula sa paglalawarang ito, maaaring balangkasin sa mga sumusunod ang buhay ni Malaka: (1) Edukasyon at radikalisasyon: 1897-1925; (2) Pagtatago: 1925-1945; at (3) Paglaban para sa “100 Porsyentong Kalayaan”: 1945-1949. Kinatawan ng unang bahagi ang naging proseso ng kanyang radikalisasyon at ang kanyang ideya ng “Republika ng Indonesia.” Ang gitnang bahagi naman ay tumutukoy sa panahon ng kanyang “paglagalag” sa Asya, ang paghiwalay niya ng landas mula sa PKI, at ang pagkakasulat ng Madilog. Ang huling bahagi naman ay ang kanyang mga pagkilos sa panahon ng Rebolusyong Indones at ang kanyang oposisyon sa Diplomasi na hahantong sa kanyang kamatayan. Ito ang iskemang lumalabas batay sa mga akda nina Poeze at ilang manunulat (cf. Rahman 2013; Paharizal at Yuwono 2014).
MULING PAGKILALA AT KONTROBERSYA TUNGKOL KAY TAN MALAKA Sa pagdaan ng mga taon, iba-iba ang mga naging pagtatasa sa kaisipan at pagsusuri sa katauhan ni Malaka. Sa mata ng mga grupong nasyonalista at relihiyoso noong dekada 1960, si Malaka ay Komunista at ateista habang sa mata ng PKI, isa siyang “Trotskyist” na taksil sa kilusan (Jarvis 1987, 52; Poeze 2008a, 158; Badruddin 2014, 143).3 Nagkaroon siya ng mga pagkakamali, kahinaan, kamalasan, at agam-agam na nagpahina sa kanyang papel sa Rebolusyon (Jarvis 1987, 54; McVey 2008, 172-173; TM 2014). Para sa ilan, itinuring siyang orihinal na Marxistang paham, founding father ng Republika ng Indonesia, independence fighter, nasyonalista, martir, biktima ng sirkumstansya, at maging propeta (McVey 2008, 173; Poeze 2008a, 160; Rahman 2013, 177; Badruddin 2014, 13; Jakarta Globe 2014; Paharizal at Yuwono 2014, 1; Santosa 2015, 12). May nagsasabing isa siyang komunistang nasyonalista o kaya’y naghangad na magtayo ng sarili niyang uri ng pilosopiyang maka-Kaliwa na “Murbaismo” o “sosyalistang pananaw sa konteksto ng realidad ng bansang Indonesia” (Rahman 2013, 177, 271). Ngunit paanong mananatiling may saysay si Malaka para sa isang kapitalista at konsumeristang lipunan? Isang punto ito na ipinarating sa isang panayam sa telebisyon noong 2014 (TM 2014). Kasalukuyang kinikilala si Poeze bilang nangungunang eksperto sa buhay ni Malaka na, ayon sa ilang historyador, kung hindi dahil sa kanyang biograpikal na kontribusyon ay “mananatili sanang isang bayaning nilimot ng panahon si Tan Malaka” (Nordholt, Purwanto at Saptari 2013, 23). Sumikat si Poeze nang inorganisa niya ang isang forensic team na nakatunton ng pinaniniwalaang labi ng bayani noong Setyembre 2009 (Paharizal at Yuwono 2014, 168; Poeze 2014, 385-410). Ito marahil ang kulminasyon ng kanyang apat na dekadang pananaliksik sa talambuhay ni Malaka magmula pa sa kanyang disertasyon 63
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
noong 1976 na nalathala sa taon ding iyon. Gayumpaman, naisalin lamang ito mula sa wikang Olandes tungo sa Indones sa dalawang bahagi: ang Tan Malaka: Ang Pakikibaka Tungo sa Republika, 1897-1925 (1988, 2000) at Si Tan Malaka at ang Pakikibaka ng Republika ng Indonesia, 1925-1945 (1999). Nasundan ito ng tatlong tomong akdang pinamagatang Verguisd en vergeten: Tan Malaka, de linkse beweging en de Indonesische Revolution, 1945-1949. Nilathala ang humigit 2,000 pahinang akda ng KITLV Press noong 2007 sa panahong direktor ng naturang institusyon si Poeze. Sa pamamagitan ng YOI at KITLV-Jakarta, isinalin ito bilang Si Tan Malaka, ang Kilusang Maka-Kaliwa at ang Rebolusyong Indones. Binuo ito ng apat na tomong nilathala mula 2008 hanggang 2014. Tinalakay ni Poeze ang mga kaganapan sa buhay ni Malaka mula Agosto 1945 hanggang sa kanyang kamatayan. Pinuri ng historyador na si Ruth McVey ang akda sa lawak at lalim ng pananaliksik bagama’t tinawag niya itong “Rankeian” dahil sa pagnanais na idetalye ang lahat ng kaganapan na may kaugnayan sa mga pagkilos ni Malaka (McVey 2008, 171).4 Sa salin ng ikaapat na tomo, idinagdag ang kuwento ng pagkakatuklas ng sinasabing labi ni Malaka (2014, 385-410). Noong 2008, lumabas ang isang sanaysay si Poeze tungkol sa historiograpiya ni Malaka na pinamagatang: “Ang Pagdakila, Paglimot, at Muling Pagbibigay-halaga sa isang Pambansang Bayani: Ang Kaso ni Tan Malaka.” Lumabas ito sa isang aklat na pinamagatang Perspektif Baru Sejarah Indonesia o Mga Bagong Pananaw sa Historiograpiya ng Indonesia. Dito’y kanyang ipinaliwanag na naging biktima ng prosesong pangkasaysayan si Malaka dahil sa nagbabagong oryentasyong pulitikal ng estado. Ang koalisyong Partai Murba (Partido ng Masa) na itinayo ni Malaka noong 1948 ay nanatiling buhay sa kanyang pagkamatay at sumuporta sa desisyon ni Pangulong Sukarno patungong Guided Democracy. Bilang kapalit, hinirang niya ang ilang opisyal nito sa kanyang gabinete at pinuri si Malaka bilang “tunay na nagmahal sa Tanah Air [Inang Bayan] at Bansang Indonesia.” Nagbigay-lakas ito sa Partai Murba upang isulong ang paghirang sa kanya bilang Bayaning Pambansa. Ngunit nang sinuportahan ni Sukarno ang PKI, tinanggal at kinulong ang mga lider ng partido. Sa pagpasok ng rehimeng Suharto at bunga na rin ng brutal na paglupig sa PKI mula 1965 at ang pagkakakilala kay Malaka bilang Komunista, naging sapat na dahilan ang mga ito upang ipagbawal ang pananaliksik tungkol sa kanya.5 Samantala, nakipag-alyansa ang Partai Murba sa Partai Demokrasi Indonesia (PDI) bilang bahagi ng low-key na istratehiya nito hanggang 1981. Bagama’t hindi opisyal na tinanggal si Malaka sa listahan ng mga Pambansang Bayani, hindi naman isinama ang kanyang talambuhay sa Album Pahlawan Bangsa o Album ng mga Pambansang Bayani, ang opisyal na talambuhay ng mga bayani mula 1977 hanggang 2003. Ayon sa isang opisyal, trinatong isang bayaning “off the record” si Malaka. Sa panahon ng Reformasi (1998-kasalukuyan) nanumbalik ang interes upang pag-aralan ang kanyang mga akda at bigyan ng naaayong opisyal na pagkilala ng estado (Poeze 2008a, 155-175).
64
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Tinunghayan ni Poeze ang pokus ng mga akdang naisulat tungkol kay Malaka na nailathala hanggang 2005. Ibinukod niya ang mga ito sa mga sumusunod na tema: [1] Ang paglalarawan ng talambuhay ni Malaka bilang rebolusyonaryo. Inihahanay ang aktibistang imahen ni Malaka bilang rebolusyonaryong maka-Kaliwang sa antas nina Che Guevarra, Ho Chi Minh, at Paulo Freire. Ngunit para sa kasalukuyang henerasyon, ang isang pinanggalingan ng simpatetikong pagtingin sa kanyang buhay bilang oposisyunista ay ang pagbibigay-diin sa kaugnayan ng kanyang kaisipan sa nasyonalismo o diskursong Islamiko kaysa ang elementong Marxismo o Komunismo. [2] Si Malaka bilang paham. Kaakibat ng naunang punto, ilang manunulat ang sumuri sa kanyang mga kaisipang pilosopikal mula sa iba’t ibang anggulo, laluna ang malalimang ugnayan ng relihiyong Islam sa Marxismo at bise bersa at ang saysay nito bilang batayan ng pag-angkin o hindi ng madla kay Malaka bilang bayani.6 Iniugnay naman ng iba ang kaisipan niya sa nasyonalismo o kamalayang kabanwahan (Poeze 2008a, 163-171). Ang mga pamantayang ito ang gagamiting batayan sa pagsusuri ng ilang bagong labas na akda mula sa Indonesia tungkol kay Malaka. Sa isang pahapyaw na pagtingin, masasabing ang lahat ng mga akda sa ibaba ay walang bagong datos na iniaambag batay sa pananaliksik sa primaryang batis at halos walang kritisismo sa pag-aaral na isinagawa ni Poeze, maliban sa conspiracy theory na inilahad nina Paharizal at Yuwono. Gayumpaman, kapansin-pansin ang kanilang pananaw at interpretasyong iniuugnay ang katauhan at pananaw pulitikal ni Malaka sa naratibo ng pagbubuo ng bansang Indonesia sa halip na ibukod siya bilang kalaban ng estado. Hindi bago ang temang ito sa kasaysayan. Bilang halimbawa, patuloy na isinasagawa ito sa Rusya bilang pagkilala sa ilang sundalong Ruso ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Danilova 2015, Kab. 6). Sa akdang pinamagatang Kisah Tan Malaka Dari Balik Penjara dan Pengasingan: Menulusuri Biografi dan Jejak Sang Revolusioner Sejati o Ang Kuwento ni Tan Malaka sa Likod ng Kulungan at Pagkakatapon: Pagtuklas sa Talambuhay at Yapak ng isang Tapat na Rebolusyonaryo, sinikap ipaliwanag ni Badruddin (2014) ang mga kaugnayan ng mga puwersang humubog sa kanyang kaisipan at pagkilos sa mga taong siya ay nakulong at nasa labas ng bansa. Kumukuha si Badruddin ng post-graduate studies sa Universitas Gajah Mada (UGM) sa larangan ng national defense policy. Bukod dito, siya rin ay isang tagapagsulong sa kalagayan ng mga manggagawa ng kretek (isang uri ng sigarilyong Indones) at magsasaka ng tabako (Badruddin 2014, 272). Sinasalamin ng kanyang huling interes ang lalim ng kanyang pagsusuri sa aklat. Para sa kanya, si Malaka ang quintessential na nasyonalista: Founding Father ng Republika, teoretisyang anti-kolonyal, at gerilya. 65
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Sa kanyang panimula, binigyang-diin ni Badruddin ang anti-kolonyal na kredensyal ni Malaka habang sekundarya na lamang ang kanyang pagiging maka-Kaliwa: Tan Malaka, bapak Madilog, adalah salah satu sosok yang “misterius” dalam sejarah Indonesia. Dia merupakan salah satu tokoh faunding fathers [sic] Bangsa Indonesia. Bertahun-tahun begerilya [sic] dan melakukan gerakan bawah tanah dalam perjuangan revolusi melawan penjajah asing yang telah lama mencengkramkan kuku penjajahannya di bumi Nusantara. Selain sebagai tokoh pergerakan, Tan Malaka juga dikenal sebagai tokoh pemikir dan filosof kiri-revolusioner. Dialah yang tak henti-hentinya turut mendesain program-program aksi massa revolusi untuk melawan kaum kolonial. Hampir seluruh tokoh pergerakan nasional, tak kecuali Bung Karno, pernah “berguru” kepadanya soal gerakan revolusi. Namun, aneh nasibnya justru berakhir tragis: mati di ujung bedil tentara republik yang dia bela sendiri. Si Tan Malaka, ang ama ng Madilog, ay isa sa mga “mahiwagang” tao sa kasaysayan ng Indonesia. Isa siya sa mga founding father ng Bansang ito. Sa pagdaan ng mga taon, siya’y naggerilya at nag-underground sa pagsulong ng rebolusyon laban sa dayuhang mananakop na matagal nang nakabaon ang kuko ng pagsisiil sa Bayang ito. Hindi lamang iyan, kilala rin si Tan Malaka bilang pantas at paham ng rebolusyonaryong maka-Kaliwa. Hindi siya kailanman tumigil sa paggawa ng mga paraan patungkol sa rebolusyonaryong pagkilos ng masa upang labanan ang mga kolonisador. Halos lahat ng mga namuno ng kilusang nasyonalista, kasama na si Bung Karno [Sukarno], ay “nag-aral” sa kanya. Gayumpaman, kakaibang trahedya ang kanyang naging kapalaran: ang mamatay sa dulo ng baril ng mga sundalo ng republikang kanyang ipinagtanggol (Badruddin 2014, 13) (akin ang malayang salin). Binalangkas niya ang buhay ni Malaka ayon sa naging karanasan ng huli sa loob at labas ng Indonesia, mula sa kanyang radikalisasyon at pagbabalikbayan (1897-1922), pagpapatapon at paglalagalag (1922-1942), pagbabalikbayan at pagkakakulong (1942-1948), at kanyang kamatayan (1948-1949). Sa pananaw ni Badruddin, lubhang mahalaga ang naging karanasan sa pangingibangbayan at pagkakakulong ni Malaka sa paghubog ng kanyang mga paniniwala at pagkilos.
66
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Ang paborableng klimang intelektwal sa rehiyong Minangkabau ay naging pandayan ng kanyang kaisipan. Isa ito sa mga pinakaprogresibong lugar sa kolonyal na Indonesia sa labas ng Java dahil sa kilalang paaralang pangguro nito at ang masigasig na palitan ng mga pananaw sa bahaging ito ng lunduyang-pangkahabinasang Malayo (Nasir 2015, 5459). Naging impluwensyal ang guro niyang si G.H. Horensma sa kanyang desisyong pumunta sa Olandya at tapusin ang pag-aaral bilang guro at gayundin, pagregalo sa kanya ng aklat tungkol sa Rebolusyong Pranses ni Thomas Carlyle. Maliban sa pakikipag-ugnay sa mga kababayang mag-aaral at sa sosyalistang si Henk Sneevliet, nakatulong sa paghulma ng kanyang kaisipan ang pagkakaipit niya sa nyutral na Olandya sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig. Nakompleto ang radikalisasyon ni Malaka tungong komunismo nang siya ay nagbalikbayan noong 1920 at nagturo sa mga anak ng kuli sa pataniman ng tsaa sa Deli, Hilagang Sumatra. Sa kabila ng saganang yamang-lupa ng Deli, ang lubhang mababang pasweldo sa mga kuli at ang pagkunsinti ng kompanya sa pagpapautang sa mga kuli para sa pasugalan ay nagbunsod sa kanyang hamunin ang kaayusang mala-alipin, bagay na nauwi sa kanyang pag-alis sa Deli patungong lunsod ng Semarang (Badruddin 2014, 15-34, 57-75). Naging mahalaga ang Semarang para kay Malaka sapagkat ito ang sentro ng radikal na paskyon ng kilusang Sarekat Islam (SI), isang pulitiko-relihiyosong organisasyong nagsimula sa mga nagkakaisang negosyanteng Muslim. Sa lunsod ng “Pulang SI,” nagtayo si Malaka ng paaralan na nakasentro sa pagpapaunlad ng alternatibong paraan ng kritikal na pag-iisip ng kabataan na nakaugat mismo sa taumbayan at hindi ang pormal na edukasyong naghahasa ng kapitalistang elit. Kasama na rito ang pag-aaral ng agham, matematika kaakibat ng edukasyong magpapalakas ng tiwala at pagbibigay-halaga sa sarili. Naging popular ang modelong ito na ginaya sa ibang lunsod at ikinagulat din ng mga kolonyal na opisyal dahil sa pag-aakalang hindi ito susuportahan ng mga taumbayan. Ang dialektikal na paraan ng pag-iisip na nakuha niya sa Marxismo ay litaw sa pilosopiya, paniniwala, at pagkilos ni Malaka—iyan ang malinaw. Ngunit sumasang-ayon din si Badruddin na hindi naging dogmatikong ideolog si Malaka bago pa man siya humiwalay sa PKI noong 1927. Naniwala siya sa isang sintesis o pagkakaisa ng Pan-Islamismo at Komunismo bilang sandata ng mga inaapi sa laban sa imperyalismo sapagkat pareho ang kanilang kaaway. Nakipagdayalogo siya sa ilang kilalang paham ng Islam. Dala-dala ni Malaka ang paniniwalang ito sa kabila ng paglilinis-hanay na isinagawa ng konserbatibong paksyon ng SI (Ang “Puting SI”) laban sa “Pulang SI.” Sa katunayan, muli niyang ginamit ang halimbawa ng “pagkakaisang” nangyayari sa Indonesia upang isulong ang sintesis na ito sa Ikaapat na Kongresong Komintern ng 1922 (Badruddin 2014, 75-127). Sa kanyang talumpati ipinaliwanag niyang:
67
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Kami [PKI] telah ditanya di pertemuan-pertemuan publik: Apakah Anda muslim—ya atau tidak? Apakah Anda percaya pada Tuhan—ya atau tidak? Bagaimana kita menjawabnya? Ya, saya katakan, ketika saya berdiri di depan Tuhan, saya seorang muslim, tapi ketika saya berdiri di depan banyak orang saya bukan seorang muslim, karena Tuhan mengatakan bahwa banyak iblis di antara banyak manusia! Naitanong na sa amin sa mga pangmadlang pulong: Ikaw ba ay Muslim: Oo o Hindi? Naniniwala ka ba sa Diyos: Oo o Hindi? Paano namin ito sinasagot? Oo, ang sabi ko. Sa pagharap ko sa Diyos ako ay Muslim. Ngunit sa pagharap ko sa mga tao hindi ako Muslim. Ang Diyos na mismo ang nagsabing nakikihalubilo ang maraming demonyo sa sangkatauhan! (Sinipi mula kay Rahman 2013, 286-287) (akin ang malayang salin).7 Ang pagkakapatapon kay Malaka noong 1922, ang pagwalay niya mula sa PKI at ang pagtatago niya sa loob ng dalawang dekada bilang isang puganteng pulitikal ay nagkaroon ng mga positibo at negatibong implikasyon sa kanyang personal na pulitika. Itinalaga siyang kinatawan ng Komintern para sa Timog Silangang Asya at sa panahong namalagi siya sa Kanton noong 1925 ay sinulat niya ang akdang Naar de Republiek Indonesia o Patungo sa Republika ng Indonesia na siyang nagpakilala sa ideya ng republika para sa nabubuong bansa. Kinonsulta siya ng PKI tungkol sa napipintong malawakang pag-aalsa ng 1926 ngunit sa kanyang di pag-ayon dahil sa paniniwala niyang kakulangan ng paghahanda ay itinakwil siya ng PKI at Unyong Sobyet bilang isang Trotskyite. Nakadaupang-palad niya ang ilang personalidad tulad ni Sun Yat Sen na nagpalawak sa kanyang kaisipan subalit ang ilang taong pagtatago at paggamit ng alyas ay nangangahulugan ng limitadong impluwensya sa mga kaganapan sa Indonesia at suporta sa kanyang mga adhikain. Nakatulong ang matagal niyang pagkawala sa Indonesia sa hindi pagtugis sa kanya ng mga Hapones nang patago siyang nagbalikbayan. Ang naipong kita niya sa pagtuturo sa Singapore mula 1937 hanggang 1942 ay naging sapat upang tustusan ang kanyang pamumuhay habang sinulat niya ang Madilog sa loob ng walong buwan. Namasukan siyang bilang minero sa Bayah. Sa pagsuko ng Hapon at sa mga paghahandang isinagawa para sa kalayaan noong Agosto 1945, ang agam-agam niyang isiwalat ang tunay na identidad sa publiko ay naging dahilan upang mapag-iwanan siya ng kasaysayan: Wala ang “Ama ng Republika” nang ito ay ipinanganak sapagkat ang mga nakakilala sa kanya’y naniwala na matagal na siyang patay (Badruddin 2014, 107-235). Sa pananaw ni Badruddin, pinalampas ni Malaka ang pagkakataong gamitin ang kanyang katanyagan nang siya ay lumantad na sa publiko upang isulong ang kanyang ajendang pulitikal nang tanggihan niya ang alok ni Bise Presidente Hatta na sumapi sa gabinete ng republika. Nang binuo niya ang Persatuan Perjuangan bilang koalisyong Anti-Diplomasi at pumapabor sa “Merdeka 100%” o 100 porsyentong kalayaan (i.e., solusyong militar), 68
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
nagsilbi itong mitsa upang isantabi siya ng puwersang republikano, una sa pagkakakulong niya ng dalawang taon at kalauna’y pagbitay sa kanya (Badruddin 2014, 235-264). Naniniwala si Badruddin na nakita ni Malaka na hindi magkakaroon na tunay na halaga ang kalayaan kung ito lamang ay “igagawad ng mananakop at hindi makakamit sa pamamagitan ng digmaan at patuloy na pakikibaka” (Badruddin 2014, 243). Para naman kay Masykur Arif Rahman (2013), isang nakapagtapos ng pilosopiya sa Pamantasang Sunan Kalijaga sa Yogyakarta sa akdang Tan Malaka: Pahlawan Besar yang Dilupakan Sejarah o Tan Malaka: Ang Dakilang Bayaning Kinalimutan ng Kasaysayan, inilarawan niya ang isang consequential na bayani dahil sa buong-loob niyang hinarap ang kanyang misyon: Dalam sejarah hidupnya, beberapa kali ia mendapat kesempatan untuk menjadi orang kaya raya dan terhormat, dan memang sangat mudah baginya untuk menjadikan diri sebagai orang kaya raya dengan pengetahuan, kecakapan, dan ijazah yang diperolehnya dari hasil pendidikan di Belanda. Akan tetapi, ia tidak memilih jalan hidup yang demikian jika kekayaannya harus diperoleh melalui kerja sama dengan kaum penjajah yang menindas dan memeras saudara-saudaranya sebangsa dan setanah air. Sa kuwento ng kanyang buhay, ilang beses siyang nagkaroon ng pagkakataong maging mayaman at kagalanggalang at talagang napakadaling itaguyod niya ang sarili nang ganoon sa taglay niyang kaalaman, kakayahan, at diplomang bunga ng kanyang edukasyon sa Olandya. Subalit hindi niya pinili ang buhay na iyon hangga’t ang bunga ng kanyang pagsisikap ay nanggagaling sa pakikipagtulungan sa mga kolonisador na umaapi at sumisikil sa kanyang mga kababayan sa buong sangkapuluan (Rahman 2013, 6) (akin ang malayang salin). Dagdag pa niya, bilang intelektwal na may kaisipang “dialektikal, materyalistiko (makaagham), at lohikal,” sinikap ni Malaka na hamunin ang bayan upang iwanan ang kaisipang mistikal at fatalistiko na sanhi ng patuloy na pang-aalipin. Bilang guro man o minero, sinikap din niyang pagbutihin ang kanyang mga gawain (Rahman 2013, 7-9). Para kay Rahman, mahalaga ang mga kabanata sa buhay ni “Ipie” o “Iep” (mga batang palayaw ni Malaka) na buong-tapang siyang nagdesisyon, saan man dalhin ang kanyang kapalaran. Nariyan ang minarapat niyang kunin ang titulong Tan Malaka kaysa pakasalan ang babaing ipinagkasundo sa kanya (Rahman 2013, 24). Ang “puwersadong” pagtanggap niya sa pagkakahalal bilang pinuno ng PKI noong 1921 dahil sa “pagkakaiwan” sa grupo nina Semaun at Darsono, ang dalawang pinakatamataas na lider ng kilusan, nang tumungo sila sa Unyong Sobyet para sa mga pagpupulong. Sa kanyang posisyon, 69
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
sinikap niyang pigilin ang napipintong paghihiwalay ng PKI sa loob ng SI (Rahman 2013, 96-99). Nariyan ang matagumpay na pag-apela niya sa kolonyal na pamahalaan na ipatapon na lamang siya sa Olandya noong 1922 sa halip na sa Kupang, isla ng Flores. Sa Olandya, kamuntikan siyang nahalal sa Parlamento bilang mambabatas sa ilalim ng Partido Komunista kung humigit lamang ang edad niya sa 30 taong gulang. Hindi ito ang una niyang pagtatangkang pumasok sa pulitikang parlamentaryan. Noong 1921, nagpalista siya bilang kandidatong kinatawan para sa kolonyal na parlamentong mula sa Sumatra. Hindi siya pinili ng kolonyal na pamahalaan dahil sa radikal niyang pananaw (Rahman 2013, 71, 109-137). Samakatwid, pinalalabas ni Rahman na ang radikalisasyon ni Malaka ay bahagyang nahubog ng kawalang-akomodasyon sa larangan ng pulitikang parlamentaryan. Tinalakay rin ang kahalagahan ng Testamen Politik o Habiling Pulitikal at ang kaugnayan nito kay Malaka. Makalipas ang pagsuko ng Hapon at deklarasyon ng kalayaan ng Indonesia noong Agosto 1945, lumantad si Malaka at nakuha niyang makipagpulong kay Sukarno nang sumunod na buwan. Malaki ang paghanga ni Sukarno kay Malaka dahil nabasa niya ang mga akda nito. Sinabi ni Malaka na kailangang lumipat ang pamunuan sa ibang lugar upang ipagtanggol ang rebolusyon kung sakaling kumilos ang parating na Allies at arestuhin sina Sukarno at Hatta bilang mga war criminal dahil sa kanilang kolaborasyon sa mga Hapones. Sinagot siya ni Sukarno na: “Kung magkataong hindi na ako malayang makakilos, ipagkakatiwala ko sa iyo ang pamumuno ng rebolusyon.” Gayon na lamang ang pagkilalang ibinigay ni Sukarno kay Malaka: magiging ikatlo siya sa linya ng pinunong hahalili sa Republika. Nang itulak ang pormalisasyon ng naturang habilin ng isang kakilala ni Malaka, iminungkahi ni Hatta na isama ang ilan pang pangalang kumakatawan sa iba’t ibang sektor. Ang pinal na napagkasunduan ay ipagkatiwala ang pamumuno kina Malaka (maka-Kaliwa), Sjahrir (Moderatong makaKaliwa), Wongsonegoro (Nasyonalista), at Iwa Kusuma Soemantri (maka-Islam) (Rahman 2013, 220-230). Tatlo ang implikasyon ng dokumentong ito. Una, isa itong patunay sa impluwensya ni Malaka sa panahong ito bilang isang tinitingalang lider ng bansa, sapagkat hindi sa “basta-bastang tao ipinagkatiwala at inilagak ni Sukarno ang pagpapatuloy ng pamunuan ng rebolusyon kung walang tapang, talino, at masidhing determinasyon [si Malaka] upang makamit ang kalayaan” (Rahman 2013, 231) (akin ang malayang salin). Ikalawa, binasa ito ni Malaka bilang direktiba upang mag-organisa ng mga tao (ang Persatuan Perjuangan) at maghanap ng mga lugar na tanggulan sa interyor ng Java para sa napipintong digmaan. Ito ang isang maaaring dahilan kung bakit tinanggihan niya ang alok na posisyon sa pamahalaan.
70
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Ikatlo, binasa ito ng ibang grupo bilang senyales ng napipintong tunggalian sa kapangyarihan para sa liderato at kaluluwa ng rebolusyon. Naging markadong tao si Malaka matapos nito. May lumabas na pekeng bersyon ng Habilin na nagtalaga lamang kay Malaka bilang legal na kahalili na itinanggi niyang nagmula sa kanya. Ang kritisismo niya sa Diplomasi ni Sjahrir sa pamamagitan ng posisyong “100 porsyentong kalayaan” ay nagpataas sa suspetsa na may balak siyang magkudeta o magtayo ng karibal na pamahalaan. Nauwi ito sa komprontasyon, kanyang pagkakaaresto at pagkakakulong sa utos ng Republika noong 1946. Matapos siyang palayain noong Setyembre 16, 1948, sinuportahan niya ang Republika nang mag-alsa ang PKI dalawang araw makalipas sa bayan ng Madiun. Subalit nang isinagawa ang ikalawang opensiba ng mga Olandes noong Nobyembre 1948 na nagresulta sa pagkakahuli at pagpapatapon ng tambalang Sukarno-Hatta, nanawagan sa radyo si Malaka upang isulong ang pakikibaka mula sa balwarte niya sa bayan ng Kediri. Ipinakilala niya ang sarili bilang “Ama ng Republikang mamumuno sa taumbayan tungo sa [tunay na] kalayaan” (Rahman 2013, 273). Ang suportang nakuha ni Malaka mula sa taumbayan ay hindi ikinasiya ng puwersang militar ng Republika sa lugar at nangambang may planong magtayo siya ng sariling republika. Hahantong ito sa pagkakaaresto at pagbitay kay Malaka na naganap sa gitna ng pag-atras ng puwersang Republika sa harap ng opensibang Olandes sa lugar (Rahman 2013, 220275). Isang misteryo naman ang nais sagutin ng tambalang Paharizal at Ismantoro Dwi Yuwono: ang sirkumstansya ng pagkamatay ni Malaka noong Pebrero 1949. Nakikita nila ang isang sabwatan ng mga nakatataas. Pinamagatan nila ang akda na Misteri Kematian Tan Malaka: Siapa yang Memerintahkan Eksekusi Terhadap Tan Malaka o Ang Misteryo ng Kamatayan ni Tan Malaka: Kung Sino ang Nag-utos ng Pagbitay kay Tan Malaka (Paharizal at Yuwono 2014). Si Paharizal ay nagtapos at nagtuturo ng sosyolohiya sa Unibersidad ng Widya Mataram sa Yogyakarta habang nagtapos rin doon ng batas administratibo si Yuwono. Hinati ang akda sa apat na bahagi: isang talambuhay ni Malaka, mga teorya sa pagkamatay ni Malaka, kuwento ng pagkatuklas ng mga diumano’y labi ng bayani, at kanilang teorya. Para sa kanila, si Malaka ay isang mahiwaga ngunit determinadong tao. Mahilig magmuni-muni at naliligo lamang ng isang beses kada araw (dalawang beses maligo ang mga Indones kada araw), ininda niya ang kanyang sakit sa baga, at hindi umibig o nagpakasal upang bigyang-prayoridad ang pagpapalaya sa bayan (Paharizal at Yuwono 2014, 1-16). Bagama’t itinatag niya ang Partai Murba, hindi niya pinamunuan ito at sa halip, nakilahok siya bilang gerilya sa Kediri laban sa mga Olandes (Paharizal at Yuwono 2014, 120). Samu’t saring kuwento tungkol sa sirkumstanya ng pagkamatay ni Malaka ang umikot nang sinimulan ng ilang miyembro ng Partai Murba ang imbestigasyon noong Mayo 1949. 71
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Ang opisyal na balitang natanggap mula sa pamahalaan ay nagsimulang maglabasan noong Hunyo 1949. Iniulat ng mga ito na binitay noong Abril 1949 si Malaka ng isang Kolonel Surachmad, isang kumander ng TNI sa kabayanan ng Kediri sa utos ni Heneral Sungkono, pinuno ng Dibisyong Brawijaya na may hurisdiksyon sa lugar na ito. Ito rin ang bersyong pinaniwalaan ni Hatta sa kanyang gunita noong 1972. Ang paliwanag ni Sungkono noon ay binitay si Malaka dahil sa hindi nito pagtulong na labanan ang sumasalakay na tropang Olandes (Malaka 1948b, cxxii). Ang kasalukuyang tinatanggap na bersyon ng marami ay ang bersyon ni Poeze. Para kay Poeze, nag-ambisyong maging Pangulo ng bansa si Malaka sa hindi niya pagtanggap sa Diplomasi at dahil dito’y pinatay siya upang mawala ang banta sa liderato. Sa sitwasyong ito, natunton siya ng mga tropa ng TNI sa kanyang kampo, dinisarmahan ang kanyang mga kawal, at inaresto ang grupo. Ayon sa kanya, isinagawa ang pagbaril kay Malaka sa utos ng Ikalawang Tenyenteng si Sukotjo sa kawal na si Suradi Tekebek batay sa sariling inisyatiba. Isinagawa ito sa Baryo ng Selopanggung, kabayanan ng Kediri, Silangang Java noong Pebrero 21, 1949 (Tingnan ang Mapa 1.). Si Sukotjo ay kalaunang naging alkalde ng lunsod ng Surabaya. Matapos ang pagpatay, nagkasundo sina Sukotjo at Surachmad na itago ang pangyayari sa takot na gantihan sila ng mga miyembro ng Partai Murba. Inalis sa puwesto ni Hatta sina Sungkono at Surachmat dahil sa insidenteng ito (Rahman 2013, 274-275; Budilaksono 2014; Badruddin 2014, 263-264; Poeze 2014: 214-228). Subalit para sa mga may-akda, ang pagpatay sa tanyag na taong tulad ni Malaka ay hindi desisyong normal na maaaring isagawa lamang ng mga lokal na opisyal-militar. Para sa kanila, mas mataas ang antas ng command responsibility sapagkat taliwas ito sa tradisyon ng chain of command. Ito ang mga argumento ng kanilang alternatibong teorya: [1] Sa simula’t sapul, ang TNI ay nahati sa dalawang paksyon: ang mga propesyunal na naniwalang dapat maging nyutral ang hukbo at ang mga pro-pulitika na naniniwala sa aktibong pakikialam ng militar sa pulitika ng bansa. Sa hanay ng mga maka-pulitika, nahati rin ang matataas na heneral sa paksyong sumuporta sa Diplomasi (Abdul H. Nasution) at Merdeka 100% o patuloy na pakikibaka (Sudirman). [2] May naging papel ang geopulitikal na sitwasyon ng Cold War. Nasa interes ng mga bansang tulad ng Amerika ang suportahan sina SukarnoHatta kaysa bumagsak ang Indonesia sa mga kamay ng mga komunista na noo’y salungat sa posisyon ng Republika. Bagama’t kinondena ang opensibang Olandes ng 1948, nagbukas ito ng pagkakataon upang puksain ang mga komunista at iba pang paksyong salungat kina Sukarno-Hatta, kasama na si Malaka.
72
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
[3] Sa proseso ng implementasyon ng Kasunduang Renville, dumating ang puwersa sa ilalim ni Nasution sa Yogyakarta mula sa Kanlurang Java noong Pebrero 1948 at ipinosisyon ang mga tauhan niya sa Gitna at Silangang Java upang wasakin ang mga elementong maka-Kaliwa, kasama na ang misteryosong pagpatay sa ilang punong-militar ng kabilang paksyon. Ang hukbo ni Nasution, samakatwid ay naging “elit na sundalo na ekstensyon ng kamay ni Hatta” (Paharizal at Yuwono 2014, 223). Nagpang-abot ang dalawang paksyon sa lunsod ng Solo noong Setyembre 1948 at sa kabila ng tigil-putukang nangyari, patuloy pa ring nanatili ang hukbo ni Nasution. Posibleng nasangkot ang mga ito sa serye ng pagpatay ng natirang mga pinuno ng PKI matapos ang Rebelyong Madiun. [4] Nang isinagawa ang opensibang Olandes noong Disyembre 1948, hindi inasahan na marami pa ring natirang elementong maka-Kaliwa at mga tagasuporta nito. Ang pagkakasakit ni Heneral Sudirman ng tuberkulosis ay naging oportunidad kay Nasution upang palawakin ang kanyang kapangyarihan sa pagtatanggol sa rehiyong ito ng Java. Samakatwid, nawalan ng epektibong kaalyadong militar si Malaka sa panahong ito. [5] Nang handa nang itigil ng Olandya ang kanyang opensiba, inutusan ni Hatta si Nasution na pigilan ang mga gerilyang patuloy na nakikibaka, kasama na rito ang grupo ni Malaka. Ito ang nagbunsod kay Sungkono na iutos ang pagpigil kay Malaka dahil siya ay mapanganib. Binasa ito ni Sukotjo bilang utos upang magsagawa ng summary execution. Sa pananaw niya, ang “Trotskyist” na si Malaka at ang Stalinistang PKI na utak sa Rebelyong Madiun ng 1948 ay pareho lamang na kaaway ng estado na kailangang iligpit. Gayumpaman, ang ultimong command responsibility sa pagkamatay ni Malaka ay kailangang iatang sa balikat ni Hatta (Paharizal at Yuwono 2014, 215-239). Inilahad din nila ang kuwento tungkol sa pagkakatuklas ng mga sinasabing labi ni Malaka. Bagama’t may mga naging inisyatiba upang tuntunin ang mga labi ni Malaka, naging mainit na balita ang pagkakatuklas diumano ng isang libingan sa Baryo Selopanggung, Kediri ng grupong pinamunuan ni Poeze noong Setyembre 12, 2009. Bakit nagtagumpay ang grupo ni Poeze gayong marami nang nangtangka? Anila, dahil ito sa kakayahang pinansyal ng huli (Paharizal at Yuwono 2014, 168). Isang tagaroon ang nakaalalang ito ay pinaglibingan ng isang taong binaril ng mga sundalong Indones. Bagama’t naunang plinano ang paghuhukay noong Marso 2009, naantala ito dahil sa mga prosesong administratibo. Bagama’t may ilang pirasong buto at ngipin ang nahukay, kakaunti lamang ang deoxyribonucleic acid (DNA) na nakuha. 73
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Marahil ang kababaan ng lugar ay maaaring nakapagpabilis sa proseso ng dekomposisyon ng DNA. Wala ring natagpuang punglo ng bala. Sa kabila nito, noong 2010, isang laboratoryo sa Australia ang nagsabing 64% ang kasiguruhang iyon nga si Malaka (Paharizal at Yuwono 2014, 192; Poeze 2014, 385-410). Sa kasalukuyan, wala pang konklusibong resulta ang ibang metodo ng DNA matching na ginamit bagama’t ayon sa historyador na si Asvi Warman Adam “90 porsyento” ang katiyakan nito dahil pasok ang taas sa profile ni Malaka at natagpuan ang buto ng kamay niyang sa posisyong tila nakatali sa likod. Pinag-uusapan pa rin kung ililipat ang mga labi sa Libingan ng mga Pambansang Bayani (TMP) sa Kalibata, Jakarta o pananatilihin sa Kediri (Budilaksono 2014; BBC Indonesia 2014).
TAN MALAKA AT MGA PANANAW MULA SA PILIPINAS Hindi alam ng nakararami na may mga koneksyon si Malaka sa Pilipinas, na naging tirahan niya mula Hulyo 1925 hanggang Mayo 1926 at Agosto 1927 (tingnan ang Larawan 1). Ayon sa kanyang awtobiograpiyang Mula Bilangguan hanggang Bilangguan, nagtungo siya sa Pilipinas dahil mas akma ang tropikal na klima nito sa pagpapagaling mula sa kanyang sakit sa bagang pinaniniwalaang tuberkulosis at sapagkat maaari siyang LARAWAN 1 Tan Malaka sa Pilipinas noong 1927
[Larawang kuha kay Tan Malaka nang maaresto siya ng mga awtoridad sa Pilipinas noong 1927 (Bagus 2014)] 74
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
pagkamalang Pilipino (Malaka 1948b, 115, 133, 242). Isang dahilan din ang pagtulong sa kanya ng mga “naawa” na lider-paggawang Pilipinong dumalo sa isang kongreso sa Kanton noong 1924 (Nery 2011, 134). Nakadaupang-palad niya ang mga personalidad tulad nina Francisco Varona, Crisanto Evangelista, Manuel Quezon, at Jose Abad Santos. Sinasabing siya diumano ang nagdala o nag-impluwensya sa pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) dahil sa ugnayan niya kay Evangelista (Jarvis 1987, 46; Nery 2011, 138-139). Nagtrabaho siya sa pahayagan ni Varona habang ipinagtanggol siya nina Quezon at Abad Santos para manatili sa Pilipinas bilang political refugee. Sa kabila ng labing-isang buwang pamamalagi sa Pilipinas ng taong tinawag na “Javanese Red” ng ilang Pilipinong pahayagan noong 1927 (si Malaka ay hindi etnikong Javanese kundi Minangkabau bagama’t ang naging pook ng pagkilos niya mula 1921-22 at 1942-1949 ay sa Java), masasabing malalim ang kanyang pagkakatalos ng sitwasyon at maiugnay ito sa karanasan ng Indonesia. Isinama rin niya ang Pilipinas sa bisyon ng mas malawak ng konpederasyon ng mga bansang tinawag niyang Aslia, na pakahuluga’y mga bansang mula Asya hanggang Australia (Jarvis 1987, 49; Malaka 1948b, 142-151). Bukod sa isang 1966 na salin sa Ingles ng bahagi ng ika-13 kabanata ng Mula Bilangguan at mga artikulong may naisulat o nabanggit tungkol sa kanyang kaugnayan sa Komunismo sa Pilipinas, mayroon ding ilang artikulong tumitingin kay Malaka sa ibang anggulo (Malaka 1948b; Malaka 1966; Jarvis 1987, 46; Zulkifli 2010, 85-89; Victoria 2014a; Victoria 2014b).8 Kasama na rito ang pag-usbong at pag-ugnay sa isang Pan-Malayong kamalayan ng mga Pilipinong naging simpatetiko sa kaso ni Malaka noong 1927 na sinasalamin ng isang editoryal na nagsabing: “[Si Tan Malaka] ay isang Malayong katulad din nating Malayo at ang pagkakaugnay ng ating mga lahi ay pinag-uugatan ng ating simpatya sa [kanyang ipinaglalaban]” (sinipi mula sa Salazar 1998a, 125). Naging kontrobersyal din ang deportasyon ni Malaka mula sa Pilipinas dahil panandalian itong pinagmulan ng iritasyon sa pagitan ng mga Amerikano at Olandes sa rehiyon (Foster 2010, 36). Tatalakayin ng artikulong ito ang dalawang akdang isinulat nina Ramon Guillermo (2013a) at John Nery (2011). Ang artikulo ni Guillermo ng University of the Philippines (UP) na pinamagatang “Andres Bonifacio: Bayaning Proletaryo ng Pilipinas at Indonesia” ay bahagi ng kalipunan ng mga sulating itinaon sa ika-150 taong kapanganakan ni Bonifacio. Si Guillermo ay isang propesor ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at kasalukyang tagapangulo ng akademikong unyon ng UP. Isa itong pagtalakay sa huling bahagi ng Madilog na pinamagatang “Ke Taman Manusia” o “Tungo sa Hardin ng Tao.” Sapagkat nagsagawa rin ng salin si Guillermo (2013b) ng Taman na lumabas sa isang jornal, maaari itong basahin bilang paglalarawan at komentaryo ng kanyang tekstong salin. Inihalintulad ni Guillermo ang sulating ito sa “Ang Pilipinas sa Loob ng Isang Dantaon” ni Jose Rizal dahil sa fyutyuristiko nitong pagpopook. Sa bisyong ito ni Malaka tungkol sa 75
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
isang “Republika ng Indonesia”—isang konseptong sinimulan na niyang dalumatin noong 1925—isa itong alegorya tungkol sa kanyang personal na pagtahak ng landas bilang intelektwal kasabay na pagiging isang hamon para sa mga babasa ng kanyang akda. Binigyang-pansin ni Guillermo ang pagpapahalagang ibinigay ni Malaka kina Rizal at Bonifacio, laluna sa huli. Ang estatwa ng dalawa ay inilagay sa tuktok ng unang bundok na tinawag na Indonesia Raya o Ang Dakilang Kabanwahan ng Indonesia na sa malawak na pakahulugan ay kasama rito ang duyang etnokultural ng kapuluang Timog Silangang Asya (Indones, Malayo, at Pilipino). Sapagkat ang dalawang bayaning ito ay nagpunyagi sa “pag-angat ng buong mamamayang Indones sa inferiority complex na idinulot ng kolonyalismong Europeo,” sila ang magsisilbing “matatayog na inspirasyon para sa lahat ng kabataan ng Republika ng Indonesia” (Guillermo 2013a, 179-180). Ito ay sapagkat sa pananaw ni Malaka noong 1943, wala pang Indones na nasyonalistang nararapat ihambing kina Sun Yat Sen, Tilak o Rizal na bukod sa kanyang anti-kolonyal na pagkilos ay isang eksperto sa maraming larangan bagama’t hindi isang paham na naghahain ng bagong paradigma para sa pag-unawa ng mundo at lipunan (Guillermo 2013a, 176). Marahil, ang malaking espasyo “sa bahaging padausdos at sa tuktok ng bundok” ay sumisimbolo sa dipa nasusulat na kasaysayan ng mga bayaning magiging bahagi ng Rebolusyong Indones (Guillermo 2013a, 175). Si Bonifacio naman, para kay Malaka, ay “bayani ng uring proletaryo sa buong Asya at maging sa antas pandaigdig” sapagkat naunawaan niya ng higit kay Rizal “sa mapanlikhang papel ng masa sa kasaysayan at sa ‘kapangyarihang proletaryo’” sapagkat “proletaryado” ang kanyang naging edukasyon. Ang diskursong ito ng pakikipagtunggali ay nagbigay rin kay Bonifacio ng kakayahang matalos ang mga intensyon ng dayuhang “nais na manghimasok at makihalo sa pulitika ng Pilipinas.” Ang dayuhang itinuro ni Malaka ay ang Amerika na kung tutuusi’y isang pagkakamali. Hindi ito malaking isyu para kay Guillermo. Inihambing niya ang isang paggunita kay Bonifacio na inilathala sa isang pro-Hapones na pahayagan sa Indonesia noong 1943 na nagsabing siya ay namatay “sa pakikibaka na may kagitingan at katapangan” na isang paraan upang pagtakpan si Emilio Aguinaldo na noo’y kolaboreytor ng mga Hapon, di tulad ni Malaka na wasto ang pagkakaunawang pinatay si Bonifacio ng mga “taksil na kasama niya sa pakikibaka” (Guillermo 2013a, 176-177).9 Ngunit sa kabila ng pagiging proletaryado ni Bonifacio na bayaning maituturing “maging sa antas pandaigdig” paham na kasama ni Rizal, bakit hindi sila inilipat sa bundok Internasyunal? Ang sagot ni Malaka ay bagama’t iniangat nila ang kabanwahang Indonesia mula sa inferiority complex, “wala silang iniwang teorya o pundasyong bago para sa agham at lipunan sa pangkalahatan.” Gayunman, iniharap na lamang sila sa bundok Internasyunal na “nakatingala sa mga monumento ng mga Alemang sina Marx at Engels,” ang paliwanag ni Guillermo (2013a, 180-181). Ayon kay Malaka, ang sukatan ng 76
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
kanyang hirarkiya ay kung ang naging papel ng personalidad ay naging “tagapagtatag ng batayan ng lipunan” mapadialektika o lohika man. Ito ang dahilan kung bakit may mga taong tulad nina Napoleon, Moises, Confucius o ang tinitingala niyang haligi ng PKI (Guillermo 2013b, 100). Para kay Guillermo ang tunay na punto ay hindi dapat basahin ang hirarkiyang pilosopikal/historikal na kinatha ni Malaka bilang pagmamaliit kina Bonifacio o Rizal, ngunit mga hinahangaang modelo ng kakayahang narating na ng kabanwahang Indonesia—isang liping naghahanda na para sa transisyon tungo sa mas mataas na transpormasyong panlipunan. Hindi sila inilagak sa tuktok bilang bayaning kokopyahin lamang. Sila ay dapat lampasan gaya ng mga internasyunalistang “haligi” ng PKI. Sa ganitong pagtingin mabibigyang-halaga ang tunay na lawak, lalim, at bukas-isip na pananaw at pag-unawa ni Malaka bilang paham. Kung si Bonifacio ang tinunghayan ni Guillermo, ang mga pananaw naman patungkol kay Rizal at ang Rebolusyong Pilipino na halaw sa awtobiograpiya ni Malaka ang sinuri ng peryodistang si Nery sa librong inilathala bilang pagdiriwang ng ika-150 taong kapanganakan ni Rizal. Pinamagatan ang libro ni Nery (2011) na Revolutionary Spirit: Jose Rizal in Southeast Asia na sinikap tuklasin at suriin ang mga diskursong nakapaloob sa pagtingin kay Rizal ng ilang kilalang personalidad sa Timog Silangang Asya kabilang ang mga Indones na tulad ng mestisong si Ernest Douwes Dekker, Malaka, Pramoedya Ananta Toer, at Sukarno. Isang kabanata ang siyang nagbubuod sa diumano’y pananaw ni Malaka kay Rizal: Hindi siya isang Marx o Lenin. Mula sa pagtalakay ni Nery, makukuha ang impresyong nasaksihan ni Malaka ang isang mahalagang ikutang pangyayari sa historiograpiya ng nasyonalismong Pilipino: ang pagangat kay Bonifacio bilang bayani “sa piling ni Rizal” at kanyang transpormasyon bilang simbolo ng pakikibaka ng kilusang paggawa. Sa katunayan, halos kahalati ng naratibo ng ikalimang kabanatang nakatuon sa pagsusuri sa kaisipan ni Malaka ay nakatutok sa pagsalaysay ng naging papel ng isang kilalang lider ng kilusang paggawang si Herminigildo Cruz sa muling paghubog ng imahen ni Bonifacio para sa kabataang henerasyon ng dekada 1920 sa pamamagitan ng kanyang Kartilyang Makabayan. Ang tradisyong sinimulan nito ang pag-uugatan din ng paghihiwalay-landas sa dalawa bilang bayaning magkatuwang tungo sa isang “paligsahan” ng kadakilaan—isang debate na nagpapatuloy hanggang ngayon (Nery 2011, 139). Sa konteksto ng transpormasyong nangyayari sa imahen ni Bonifacio maipapaliwanag ang pagkilala ni Malaka kina Bonifacio at Rizal bilang mga katutubong Indones (sa malawak na pakahulugang ipinaliwanag ni Guillermo sa itaas) na “kung mayroon mang ibang dugong-halo ay kakaunti lamang” (Malaka 1948b, 1: 118). Ayon kay Nery, sa pananaw ni Malaka, ang Rebolusyong Pilipino ay isang tunay na pagkilos ng mga manggagawa at 77
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
pesante sa pamumuno ng tunay na rebolusyonaryong intelligentsia. “Halos 100 porsyento” ng mga nakidigma sa Rebolusyon ay mga katutubo, ani ni Malaka. Kaya lamang hindi tinutulan ng taumbayan ang mga kasalukuyang mestizong kolaboreytor ng imperyalismong Amerikano na ngayo’y nagtatamasa sa kanilang pulitikal at pangekonomikong posisyon dahil sa kahalintulad na kultura (Nery 2011, 131). Para kay Nery, hinangaan ni Malaka ang “Indones” na si Rizal dahil sa kanyang kaalaman at reputasyon. Ngunit hindi rin niya pinalampas ang kritisismo sa bayani. Ang La Liga Filipina ay nagsilbing “paaralan” diumano ni Bonifacio upang matutunan ang pagoorganisa. Ngunit katulad ng itinatag na Indones na grupong Budi Utomo, ito pa rin para sa kanya ay isang partidong para sa reporma at kooperasyon sa kolonisador (Nery 2011, 133-135). Sa pagtatasa ni Malaka kay Rizal na inilarawan ni Nery (2011, 134) na “severe, but not harsh,” hindi maaaring ituring na rebolusyonaryo ang bayani. Ang pagtanggi ni Rizal na basbasan ang rebolusyon ang siyang naging malaking kakulangan. Dahil sa kanyang pagkakawalay mula sa masa, naging isolated na intelektwal si Rizal. Hindi naintindihan ni Rizal na ang rebolusyon ay pagmumulan ng mga puwersang kayang gumapi sa anumang hukbo o armas kapag namulat na ang masa sa ilalim ng isang disiplinadong pamunuan. Sapagkat “hindi siya [isang] Marx o Lenin,” maling gawing dahilan ang kakulangan ng armas upang ipagpaliban ang isang rebolusyon. Kailanma’y hindi napapantayan o nahihigitan ang tangang armas ng masa sa simula ng isang rebolusyon (kung gayo’y hindi sila maaapi sa simula) kundi habang o matapos nito (Nery 2011, 135). Mahalagang ipunto ang argumentong ginamit ni Malaka laban kay Rizal sapagkat ayon kay Nery, tila ginamit din ni Malaka ang kaparehong kadahilanan kung bakit hindi niya sinang-ayunan ang desisyon ng PKI na isagawa ang Rebelyon ng 1926: hindi pa sapat ang paghahanda ng PKI (Nery 2011, 136). Matatandaang dahil dito ay nabansagang Trotskyista si Malaka. Gayumpaman, mahalaga ang pagsusuring ginawa ni Malaka sapagkat nasaksihan niyang dahil na rin sa radikalisasyon ng sektor-paggawa, nagbago rin ang pagkakaunawa at imahen ni Rizal (Nery 2011, 139).
ILANG PAGPAPAKILALA KAY TAN MALAKA SA KASALUKUYAN Nang opisyal na hinirang ng Pangulong Sukarno si Malaka noong 1963, kinilala ang kanyang kabayanihan bilang isang pinunong Indones na “bunga ng kanyang pagmamahal sa Inang Bayan at bansa, nagtaguyod ng makabuluhang pagkilos upang kabakahin ang pananakop sa lupain ng Indonesia” (karena terdorong oleh rasa cinta tanah air dan bangsa, memimpin suatu kegiatan yang teratur guna menentang penjajahan di bumi Indonesia) (sinipi kay Rahman 2013, 276). Marahil walang nag-akala noong “itatago” sa alaala ng sambayanan si Malaka sa loob ng higit sa tatlong dekada matapos nito.
78
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Sa muling “pagkakatuklas” kay Malaka, marahil ay impormatibo ang mga naratibo at salitang ginagamit upang ipakikilala si Malaka sa mga kabataan at sa publiko sa pamamagitan ng pelikula, mga teksbuk, at general reference. Noong 2008, isang maikling pelikulang pinamagatang Tan Malaka na naglarawan sa mga huling araw ni Malaka, ang dinirehe at ginawa ni Erik Wirawan para sa Institut Kesenian Jakarta. Ipinakita si Malaka bilang isang taong marunong humarap sa mga hamon. Nagflashback ang pelikula sa pagtatanggol ni Malaka sa mga anak ng kuli ng Deli at ang pagtuturo niya sa Semarang. Sa bersyong ito ni Wirawan, lumikas ang grupo nina Malaka sapagkat muntikan na silang makubkob ng mga kaaway. Sa pagkakahuli ni Malaka ng mga tropa ng Republika, isinawalat ni Malaka sa isang opisyal militar ang kanyang saloobin. Kanyang itinutulak ang 100 porsyentong kalayaan sapagkat hindi niya maunawaan ang patuloy na negosasyon gayong “Ang lupaing ito ay atin, hindi sa kanila” (Ini tanah kita. Bukan milik mereka.) (Wirawan 2011a). Nagtapos ang pelikula batay sa salaysay ng saksing kasamang bodyguard ni Malaka na nakulong din na si Sukatma (Malaka 1948b, 124-125; Poeze 2014, 216). Ilang sundalong Indones ang pumasok sa kanilang kulungan sa kalaliman ng gabi at ipinaalam kay Malaka na kailangan siyang kunin agad. Sumagot si Malaka na “Kung ako’y dadamputin ninyo at papatayin din lamang, humingi muna kayo ng permiso mula kina Pangulong Sukarno.” Nang sumagot ang mga sundalo na sila’y napag-utusan lamang, pumayag na ring sumama si Malaka. Sa kanyang pagharap sa napipintong kapalaran, nakuha ni Malaka na sambitin ang mga salitang: “Ngunit tandaan ninyo: ipinagmamalaki ko pa rin ang sarili bilang Indones” (Tapi kalian harus ingat: Saya akan tetap bangga sebagai bangsa Indonesia). Sa paggamit ni Wirawan ng artistic license sa huling linyang ito ipinararating na sa kabila ng lahat, nananatiling tapat ang loob ni Malaka sa bansang magkakanulo sa kanya (Wirawan 2011a; Wirawan 2011b). Noong Agosto 2008, naglabas ng espesyal na isyu ang lingguhang magasing Tempo tungkol lamang kay Tan Malaka. Ang antolohiyang ito ng mga artikulong sinulat ng mga dyornalista at historyador ay muling inilimbag noong 2010 at ngayong taon bilang aklat na pinamagatang Tan Malaka: Bapak Republik yang Dilupakan o Tan Malaka: Ang Kinalimutang Ama ng Republika ng Indonesia. Muli, ang kabuuang naratibo ay umaaayon sa imahen ni Malaka bilang isang Marxistang nasyonalista. Ngunit inilarawan din ang ilang aspeto ng personal na katauhan ni Malaka (Zulkifli 2015, 7, 101-112).10 Sa isang random sampling ng mga aklat-pambata na ibinebenta sa bookstore na isinagawa nitong manunulat, narito ang ilang obserbasyon tungkol sa paglalarawan nila kay Malaka mula sa kanilang naratibo: [1] Sa isang seksyon ng ikapitong tomo ng Ensiklopedia ng Kasaysayan at Kultura (2009) na may pamagat na “Partai Komunis Indonesia,” inilalarawan 79
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
si Malaka bilang kinatawan ng “Komintern sa Silangang Asya” na hindi sumang-ayon sa planong Rebelyon ng 1926. Dahil sa hindi nakinig ang PKI sa kanya, madali itong nalupig at maraming naghirap at namatay. Itinayo ni Malaka ng Partai Republik Indonesia (PARI) bilang “pamalit sa [ipinagbawal nang] PKI. Iniwan ni Tan Malaka ang lahat ng pakikipagugnayan niya sa komunismo. Tinanggal din siya sa Komintern” (Oktorino 2009, 170-171). [2] Sa aklat na sinulat ni Purwo Marlani (2008) na pinamagatang Aku Mengenal Pahlawan Bangsaku o Kilala Ko ang Bayani ng Bansa Ko, binanggit na “Hindi sang-ayon [si Malaka] sa pananaw ng Komintern na laban sa pan-Islamismo. Ayon sa kanya, kailangang isama ang puwersa ng Islam sa pakikibaka ng mga bansang nasasakop upang marating ang kalayaan.” Pinagsabihan (memperingatkan) niya ang PKI upang iatras ang planong Rebelyon ng 1926. Ngunit dahil sa paalalang (peringatan) ito, kinaaway siya ng PKI at naputol ang kanilang ugnayan. Si Malaka ay binaril “dahil sa maling pagkakaunawaan sa pagitan ng punong militar ng Silangang Java” (Marlani 2008, 25). [3] Sa isang 2013 na aklat ng Puspa Swara na pinamagatang Pahlawan Indonesia: Album dan Biografi Terlengkap dan Terkini o Mga Bayani ng Indonesia: Ang Kompleto at Pinakabagong Album at Talambuhay, binigyang-pansin din ang kritisismo ni Malaka sa di pagtanggap ng Komintern sa Pan-Islamismo. “Ngunit kahit na matalim ang kanyang naging kritisismo” sa Komintern ay naging kinatawan siya nito. Huminto ang kanyang ugnayan sa PKI nang hindi sinunod ng huli ang payo niya. Siya, sampu ng kanyang mga kasama sa Persatuan Perjuangan ay “inaresto at kinulong ng mga Olandes [sic] dahil ipinalagay silang banta sa seguridad.” Isinagawa ng punong militar ng Silangang Java ang pag-aresto at pagbaril kay Malaka dahil sa “maling pagkakaunawa (kesalahpahaman) sa pagitan ng mga punong-digma” (Puspa Swara 2013, 42). [4] Isang “Mala-Alamat na Rebolusyonaryo” na kilala sa kanyang marubdob na pakikibaka naman ang turing sa “militante [at] radikal” na “sosyalista” na si Malaka ng aklat ni Sholechul Azis (2013) pinamagatang 160 Sejarah Lengkap Pahlawan Indonesia o 160 Kompletong Talambuhay ng mga Bayani ng Indonesia. Sa taglay niyang lakas ng loob, tinuligsa ni Malaka ang pamahalaang kolonyal, ang republika, at ang PKI. Nagkaroon siya ng mahalagang papel sa pagtaguyod ng “dagitab ng kilusang sosyalismong internasyunal bilang kilusang anti-kolonyal sa Timog Silangang Asya.” Tinapos ang talambuhay sa pagsabing “napagsuspetsahang husto” si Malaka 80
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
bilang nasa likod ng pagkidnap kay Sjahrir noong Hunyo 1946 dahil sa kanyang di-pagtutol sa Diplomasi (Azis 2013, 146; tingnan din ang Kausar 2015, 289-290). [5] Kumplikado namang karakter si Malaka ayon sa mga manunulat ng Sejarah Pahlawan Indonesia o Talambuhay ng mga Bayani ng Indonesia (Kompas Ilmu w.tn.). Ang kanyang talumpati sa Komintern ay tungkol sa pagkakaisa ng mga grupo—kasama na ang mga relihiyoso at nasyonalista— sa matagumpay na pakikibaka. Hinamon niya ang planong Rebelyon ng 1926 dahil para sa kanya, kailangan sa matagumpay na rebolusyon ang sapat na paghahanda, na siyang di-pinakinggan. Nagtangka si Malaka na puwersahin si Pangulong Sukarno upang isuko ang kapangyarihan ngunit tumanggi si Sukarno at nakulong si Malaka sa planong kudeta (Kompas Ilmu w.tn., 249-250). Sa mga halimbawang ito makikitang lahat sila ay nagkakapareho sa pagtingin kay Malaka bilang isang taong may malayang pag-iisip at panindigan. Napahamak ang PKI noong 1926 dahil sa hindi pinakinggan ang kanyang payo. Ayon sa iba, hindi natinag si Malaka sa pagdidiin ng sintesis ng Islam at komunismo o nasyonalismo para sa ikalalaya ng bansa. Nasangkot si Malaka sa kontrobersyal na kaganapan ng 1946 laban sa Republika. At napatay si Malaka dahil sa “maling pagkakaunawaan” ng mga punong-digma.
KONKLUSYON Dalawang linggo bago ang naganap na protesta sa Surabaya, nagkaroon ng isang serye ng panayam-telebisyon tungkol kay Malaka na kung saa’y naimbitahan si Poeze (cf. Berita Satu TV 2014). Isa na rito ang programang pinamagatang Soegeng Sujadi Forum na lumabas sa pampamahalaang istasyon ng TVRI sa Jakarta. Bukod kay Poeze, inanyayahan din ang mga kapwa historyador na si Asvi Warman Adam at Bonnie Triyana upang makipagpalitan ng kuru-kuro. Binigyang-tuon sa forum (TM 2014) ang pagbibigay-saysay sa buhay ni Malaka para sa kasalukuyang panahon. Sa panahong nagtagumpay ang kapitalismo at konsumerismo sa mundo, paanong maiuugnay o maituturo ang kaisipan at kahalagahan ni Malaka para sa batang henerasyon? Lumabas ang ilang kasagutan: [1] Mahalagang ipaunawa si Malaka bilang tao. Sumasang-ayon sina Poeze at Triyana na sa proseso ng muling pagpapakilala, kailangang iwasan naman ang “gloripikasyon” kay Malaka sa pagkilala sa kanya bilang romantic
81
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
revolutionary. Mayroon siyang mga naging kahinaan at pagkakamali. Ngunit sa kabila nito, patuloy siyang nagpunyagi. [2] Ipakilala si Malaka bilang isa sa mga Founding Father ng Republika ng Indonesia. Nabasa ni Sukarno kanyang ang mga akda kaya’t gayon na lamang ang paggalang ni Sukarno sa mga ideya nito. [3] Ayon din kay Triyana, kapupulutan ng aral ang mga ama ng bansa: Kay Sukarno ang pagpapahalaga sa nasyonalismo; kay Hatta ang kalayaang pang-ekonomiya; kay Sjahrir ang proseso ng demokrasya; at kay Malaka ang kahalagahan ng kaalaman at kritikal na paraan ng pag-iisip. [4] Makikita ang pagpupunyagi at katalinuhang ipinakita ni Malaka sa paraang isinulat niya ang Madilog. Sa loob lamang ng ilang buwan at sa gitna ng pamamahala ng mga Hapones, nakuha niyang maisulat ang kanyang obra maestra gamit ang kakaunting batis, sariling gunita, at walang pasilidad tulad ng Internet o Google. Ngunit higit pa rito, ang kritikal na pag-iisip na ginamit para sa pagsusuri ng lipunan (dialektika) ang aral na mapupulot dito. Bilang isang bansang dumaraan sa proseso ng demokratikong reporma, mahalagang patuloy na makialam sa mga usaping pambansa. [5] Gamit madalas ni Malaka ang kasaysayan sapagkat nakakatulong ito sa kanyang pagdedesisyon at pagsusuri. Mahalagang iparating na kayang magdesisyon ang mga kabataan upang palawigin ang kanyang sarili o baguhin ang tadhana. Kung tutuusin, ang patuloy na pagbabagong-imahen kay Malaka ay isang elementong nag-uugnay sa pagsusuri ng mga bagong literatura sa itaas. “Ang kasaysayan ay hindi maaaring maunawaan sa pamamagitan ng mga istereotipo,” anang ng historyador na si Anhar Gonggong. Kailangan nang itakwil ng taumbayan ang mga imaheng nilikha ng rehimeng kolonyal at ni Suharto (Hidayat 2014). Mula sa isang kinamumuhiang Komunista at ateista at kaaway ng Republika tungo sa isang makabayang paham, guro, at Ama ng Republika ng Indonesia. Mula sa isang Trotskyite na rebolusyonaryo tungo sa isang maka-Kaliwang makabayan. Mula sa isang Marxistang ideolog patungo sa isang kumplikadong tao na naniniwala sa rebolusyon ngunit itinakwil mismo ang Rebelyong PKI ng 1926 at 1948. At mula sa isang bayaning off the record tungo sa isang romantic revolutionary na modelo ng aktibismo. Pinatibay ng karanasan sa paglalagalag sa Asya at Europa si Malaka upang mapalawak ang kanyang kaisipan tungkol sa proseso ng rebolusyon ng proletaryat at kalayaan ng bansa. Bukas siya sa sintesis ng mga ideya
82
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
tungo sa ikapagpapalaya ng bayan. Ito ng mga ideyang ipinarating nina Badruddin, Rahman, at Paharizal at Yuwono. Ang pamana, pananaw, at kaisipan ni Malaka ay hindi lamang nakapook sa Indonesia kundi may naging ambag din sa diskurso sa Pilipinas, gaya ng pagsusuring ginawa nina Guillermo at Nery. Ang paralelismong nakita ni Nery sa desisyon nina Malaka at Rizal na hindi basbasan ang pag-aalsa ay nagbabadya ng katanungan kung naimpluwensyahan ba si Malaka ni Rizal sa desisyong ito? Tandaang siya ay nasa Maynila nang nakarating ang balita ng desisyong mag-alsa ang PKI. Gaya ni Rizal, si Malaka ay naglagalag dahil sa persekusyong pulitikal na naranasan sa kanyang bansa. Gaya ni Bonifacio, isang kabalintunaan din ang naging kamatayan ni Malaka: pinatay ng sariling kababayan dahil sa paninindigan na ituloy ang pakikibaka. Gayumpaman, patuloy na kinukulayan ng mga hinuha tungkol kay Malaka ang kanyang pagkakatanggap bilang bayani, na pinatutunayan ng mga protestang naikuwento sa simula. At tila hindi magtatapos ang kontrobersya. Isinuma ni Triyana ang katanungang sa tingin niyang ginagamit ng mga tao bilang pamantayan kay Malaka na dapat iwasto: Tan Malaka seorang komunis, namun jika dibandingkan dengan koruptor, maka lebih jahat mana? Si Tan Malaka nga ay isang Komunista, pero kung ihahambing siya sa mga taong sangkot sa korupsyon, sino ang mas masama? (Budilaksono 2014) (akin ang malayang salin).
Talahuli 1
Akin ang malayang salin. Ayon kay Tan Malaka, kanyang nabanggit ito habang nasa kustodiya ng mga umarestong pulis na Ingles sa Hong Kong noong 1932 na siya niyang ginunita sa 1948 na awtobiograpiyang Dari Penjara ke Penjara o Mula Bilangguan hanggang Bilangguan (Malaka 1948a, 313). Ginamit ko rin ang Ingles na salin ni Helen Jarvis (Malaka 1948b) at ang salin ni Ramon Guillermo (2013b) para sa mga pagsipi ng Penjara at Madilog. Pasasalamat din kina Atoy M. Navarro, Zeus A. Salazar, at Ma. Carmen V. Peñalosa sa kanilang tulong sa pananaliksik na ito. 2 Sapagkat walang sistema ng rehistrasyon ng kapanganakan, walang katiyakan ang petsang kapanganakan ni Malaka. Ipinanganak lamang siyang bilang Ibrahim, iginawad ang titulong Datuk Tan Malaka na kanyang minana mula sa linya ng kanyang ina (Rahman 2013, 15). Ang kasakuluyang humahawak ng naturang titulo ay isang nagngangalang Hengky Novaron Arsil (Poeze 2008a, 172). Ang KITLV ang sentro ng pananaliksik para sa Araling Panlipunan at Humanidades ng Olandya. 3 Halaw ang bansag na ito kay Leon Trotsky (1879-1940), isang Marxistang naniniwala sa isang pangkalahatang rebolusyon ng mga manggagawa. Sa kanyang kritisismo sa pananaw ni Joseph Stalin, itinakwil siya at mga tagasuporta bilang mga taksil. Sa kontekstong ito, ang gamit ng “Trotskyist” o “Trotskyite” ay nangnangahulugang “taksil” sa turing ng mga Komunistang maka-Moscow na tulad ng Indones na si Musso (Jarvis 1987, 52). 83
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
4
Tumutukoy sa historyador na si Leopold von Ranke (1795-1886) na naniwala sa isang positibistang pananaw ng kasaysayan na dapat mailahad ang lahat batay sa dokumento. 5 Kapansin-pansing sa isang edisyon ng kilalang Diksyunaryong Indones-Ingles, isinalin ang Partai Murba bilang “Partidong maka-Trotsky” (Echols at Shadily 1992, 380). Maliban kay Poeze, sumulat ng maikling talambuhay ang Australyanong si Jarvis at naglabas ng kritikal na edisyong salin sa Ingles ng awtobiograpiyang pinamagatang From Jail to Jail (Malaka 1948b; Jarvis 1987). Sapagkat sumusulat si Jarvis sa panahon ng pagtatapos ng Cold War at sa patuloy na pamamayagpag ng rehimeng Suharto, ang laman ng kanyang pagsusuri ay nakatutok sa pilosopiyang maka-Kaliwa ni Malaka at hindi ang pagdalumat sa kanya bilang isang nasyonalista. 6 Sa pagtatangka niya sa isang sintesis, inihahanay si Malaka sa mga paham ng Marxismong tulad nina Gramsci. Para sa akademikong si Franz Magnis Suseno, si Malaka ay itinuturing niya bilang isa sa tatlong mahahalagang paham na Indones. Aniya, kahanga-hanga ang lalim ng kaisipang pilosopikal ni Malaka sa kabila ng hindi siya pormal na nag-aral ng pilosopiya (Ulum 2009, 22). 7 Ayon sa pagbasa nina Paharizal at Ismantoro Dwi Yuwono, para kay Malaka, tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam ng “Kamusliman” ng isang tao. Samantala, ang dapat lamang husgahan ng tao sa kanyang kapwa ay yaong mga bagay na nakikita at nararamdaman. Walang karapatan ang tao na manghusga kung ang kapwa niya ay banal o hindi (Paharizal at Yuwono 2014, 159). 8 Ang salin ng 1966 ay lumabas sa jornal na Solidarity at ginawa ni Willy Pantouw. Isinalaysay ni Ferdinand Victoria (2015a, 2015b) ang paraang ginamit ni Malaka pagpasok sa Pilipinas na hinalaw rin sa Mula Bilangguan. Bunga ng kanyang pagkakatapon, mula 1923 hanggang 1945, maraming ginamit na alyas si Malaka. Noong 1924, nagtungo siya sa Singapore mula Canton gamit ang tampered na pasaporte ng isang Estanislao o Eliseo Rivera, isang Pilipinong sundalong namatay na (Malaka 1948b, 265-266; Rahman 2013, 157). Mula Hong Kong papasok ng Maynila noong 1925, ginamit niya ang pangalang Elias Fuentes. Hasan Gozali naman ang Pilipinong pasaporteng ginamit niya papasok ng Singapore noong 1926. Mula 1942 hanggang 1945, Ilyas Hussein ang ginamit niya sa Indonesia na malamang variant ng Pilipinong alyas niya (Rahman 2013, 213). 9 Ang conflation na ito ni Malaka ay naulit sa kanyang awtobiograpiya (Malaka 1948a, 175-179). Ngunit dapat tandaang iisang aklatan lamang ang pinupuntahan niya sa Jakarta sa panahong isinulat niya ang Madilog. Nakakulong din siya habang isinusulat ang Mula Bilangguan (Rahman 2013, 203, 256-263). 10 Ilan sa kapansin-pansing nilalaman ng antolohiya ay ang sumusunod: (1) Ang inspirasyon ni Malaka sa mga sulatin ni Sukarno at maging sa Pambansang Awit ng Indonesia; (2) Ang buhay pag-ibig ni Malaka; (3) At ang ilang pananaw ng mga akademikong Indones (Zulkifli 2010, 4, 89-90, 119-124). Para sa sosyoloshistang si Kleden, hindi isang “pundamentalistang Marxista” si Malaka dahil sa kanyang pagpapahalaga kina Sun Yat Sen at Jose Rizal (Kleden 2010, 143). Para sa historyador na si Mestika Zed, mas nakapook ang kaisipan ni Malaka sa nasyonalismo kaysa sa panatisismong ideolohikal. Mas mahalaga para sa kanya ang pambansang pagkakaisa upang labanan ang imperyalismo patungo sa isang “Republika ng Indonesia” (Zed 2010, 150-151). Gayunpaman, ayon sa awtor na si Hasan Nasbi, ang republikang ito ay pamamahalaan lamang ng isang organisasyon (Nasbi 2010, 152-157). Marahil, maaaring sabihing hindi ito nalalayo sa isang republikang mala-Sobyet.
Sanggunian Azis, Sholechul. 2013. 160 Sejarah Lengkap Pahlawan Indonesia. Jakarta: Kuncikom. Badruddin. 2014. Kisah Tan Malaka Dari Balik Penjara dan Pengasingan: Menulusuri Biografi dan Jejak Sang Revolusioner Sejati. Bantul: Araska. 84
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Bagus, Indro. 2014. Tan Malaka, Pejuang yang Mengaum dari Kubur (2). Websayt ng Inilah.com, pinost noong Pebrero 20, 2014, http://goo.gl/qPTBmR (nakuha noong Nobyembre 27, 2015). British Broadcasting Corporation (BBC) Indonesia. 2014. Keluarga minta Jasad Tan Malaka Dikubur di TMP Kalibata. Websayt ng BBC Indonesia, pinost noong Enero 27, http://goo.gl/QtlhlR (nakuha noong Hunyo 30, 2015). Berita Satu TV. 2014. Tan Malaka Dalam Sejarah. Websayt ng Youtube, pinost noong Pebrero 4, https://goo.gl/ZjqYDr (nakuha noong Mayo 15, 2015). Budilaksono, Imam. 2014. Kisah di balik Tewasnya Tan Malaka. Websayt ng Antaranews.com, pinost noong Enero 26, http://goo.gl/D20gLO (nakuha noong Hunyo 30, 2015). Chandra. 2014. Harry Poeze: Saya Peniliti Tan Malaka, Bukan Komunis. Websayt ng Merdeka.com, pinost noong Pebrero 17, http://goo.gl/ZeDUXs (nakuha noong Hulyo 7, 2015). Danilova, Nataliya. 2015. The Politics of War Commemoration in the UK and Russia. Hampshire: Palgrave Macmillan. D-maps. 2015. Indonesia: Coasts. Websayt ng D-maps.com, http://goo.gl/9rG9Er, (nakuha noong Hulyo 22, 2015). Echols, John M. at Hassan Shadily. 1992. Kamus Indonesia-Inggris: An Indonesian-English Dictionary; Third Edition. Tagarebisa John U. Wolff, James T. Collins, at Hassan Shadily. Jakarta: Gramedia. Fakih, Abraham Ali. 2015. Dari Penjara ke Penjara: Studi Komprehensif atas Perjalanan Hidup, Perjuangan, dan Pemikiran Emas Tan Malaka dalam Konteks Keindonesiaan. Yogyakarta: Palapa. Foster, Anne L. 2010. Projections of Power: The United States and Europe in Colonial Southeast Asia, 1919-1941. Durham: Duke University Press. Guillermo, Ramon G. 2013a. Andres Bonifacio: Bayaning Proletaryo ng Pilipinas at Indonesia. Nasa Salita ng Sandata: Bonifacio’s Legacies to the People’s Struggles, mga pat. Bienvenido Lumbera, Judy Taguiwalo, Rolando B. Tolentino, Gerry Lanuza, at Gonzalo Campoamor II, 173-183. Quezon City: IBON Foundation, Inc.
85
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Guillermo, Ramon G. 2013b. Tungo sa Hardin ng Tao: “Si Bonifacio ang Pinakauna, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong Indonesia, Oo, sa buong Asia na Nanggaling sa, at Edukado bilang, Proletaryado, na Nag-organisa ng mga Proletaryo”. Social Science Diliman 9, blg. 1: 87-121. Hidayat, Kris. 2014. Agama dan Masyarakat: Tan Malaka dan Hubungan IslamKomunisme. Websayt ng Satu Harapan.com, pinost noong Marso 7, http://goo.gl/SPOu3U (nakuha noong Nobyembre 22 2015). Jakarta Globe. 2014. Surabaya Police Bans “Communist” Book Talk on Tan Malaka after FPI Protest. Websayt ng Jakarta Globe, pinost noong Pebrero 8, http://goo.gl/35nonv (nakuha noong Hulyo 7 2015). Jarvis, Helen. 1987. Tan Malaka: Revolutionary or Renegade? Bulletin of Concerned Asian Scholars 19, blg. 1: 42-54. Kausar, Andrian Duratun. 2015. Metode Hafalan Diluar Kepala: Daftar Pahlawan Nasional Indonesia. Jakarta: ARC Media. Kleden, Ignas. 2010. Tan Malaka: Nasionalisme Seorang Marxis. Nasa Tan Malaka: Bapak Republik yang Dilupakan, pat. Arif Zulkifli, 140-145. Jakarta: KPG at Tempo, 2015. Kompas Ilmu. w.tn. Sejarah Pahlawan Indonesia. Jakarta: Kompas Ilmu. Liputan6. 2014. Diprotes, Diskusi Tan Malaka di Semarang Terancam Dipindahakan. Websayt ng Liputan6.com, pinost noong Pebrero 17, http://goo.gl/5yQzMm (nakuha noong Hulyo 14, 2015). Malaka, Tan. 1948a. Dari Penjara ke Penjara. Yogyakarta: Narasi, 2014. Malaka, Tan. 1948b. From Jail to Jail; Volume 1. Tsln. Helen Jarvis. University Center for International Studies, 1991.
Athens: Ohio
Malaka, Tan. 1966. Tan Malaka’s Manila Memoirs. Tsln. Willy Pantouw. Solidarity 1 (Enero-Marso): 15-22. Marlani, Purwo. 2008. Aku Mengenal Pahlawan Bangsaku. Jakarta: Talenta Media Utama. McVey, Ruth. 2008. Review of Verguisd en Vergeten: Tan Malaka, de Linkse Beweging en de Indonesische Revolution, 1945-1949/Reviled and Forgotten, Tan Malaka, the Leftist Movement and the Indonesian Revolution, 1945-1949. Indonesia 86: 171-174. 86
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Nasir, Zulhasril. 2015. Pemberontak dari Alam Permai Minangkabau. Nasa Tan Malaka dan Sjahrir: Dalam Kemelut Sejarah, pat. Kholid O. Santosa, 54-59. Bandung: Sega Arsy. Nasbi, Hasan. 2010. Republik dalam Mimpi Tan Malaka. Nasa Tan Malaka: Bapak Republik yang Dilupakan, pat. Arif Zulkifli, 152-158. Jakarta: KPG at Tempo, 2015. Nery, John. 2011. Revolutionary Spirit: Jose Rizal in Southeast Asia. Singapore: Institute of Southeast Asian Studies. Nordholt, Henk Schulte, Bambang Purwanto, at Ratna Saptari. 2013. Memikir ulang Historiografi Indonesia. Nasa Perspektif Baru Sejarah Indonesia, mga pat. Henk Schulte Nordholt, Bambang Purwanto, at Ratna Saptari, 1-31. Jakarta: Yayasan Pustaka Obor/KITLV-Jakarta, 2013. Oktorino, Nino, pat. 2009. Muatan Lokal: Ensiklopedia Sejarah dan Budaya-Sejarah Nasional Indonesia. Jakarta: PT Lentera Abadi. Paharizal at Ismantoro Dwi Yuwono. 2014. Misteri Kematian Tan Malaka: Siapa yang Memerintahkan Eksekusi Terhadap Tan Malaka. Yogyakarta: Narasi. Puspa Swara. 2013. Pahlawan Indonesia: Album dan Biografi Terlengkap dan Terkini. Jakarta: Puspa Swara. Parwito. 2014. Ratusan orang geruduk tempat diskusi Tan Malaka di Semarang. Websayt ng Merdeka.com, pinost noong Pebrero 17, http://goo.gl/y5Jv3k (nakuha noong Hulyo 14, 2015). Poeze, Harry. 2008a. Memuliakan, Mengutuk, dan Mengangkat Kembali Pahlawan Nasional: Kasus Tan Malaka. Nasa Perspektif Baru Sejarah Indonesia, mga pat. Henk Schulte Nordholt, Bambang Purwanto, at Ratna Saptari, 155-175. Jakarta: Yayasan Pustaka Obor/KITLV-Jakarta, 2013. Poeze, Harry. 2008b. Tan Malaka, Gerakan Kiri, dan Revolusi Indonesia, Jilid 1: Agustus 1945-Maret 1946. Jakarta: Yayasan Obor Indonesia at KITLV-Jakarta. Poeze, Harry. 2014. Tan Malaka, Gerakan Kiri, dan Revolusi Indonesia, Jilid 4: September 1948-Desember 1949. Jakarta: Yayasan Obor Indonesia at KITLV-Jakarta. Rahman, Masykur Arif. 2013. Yogyakarta: Palapa. 87
Tan Malaka: Pahlawan Besar yang Dilupakan Sejarah.
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka
Saliksik E-Journal
Tomo 4, Bilang 2 | Nobyembre 2015
Salazar, Zeus A. 1998a. “Malay,” “Malayan,” and “Malay Civilization” as Cultural and Anthropological Categories in the Philippines. Nasa The Malayan Connection: Ang Pilipinas sa Dunia Melayu, may-akda Zeus A. Salazar, 111-143. Quezon City: Palimbagan ng Lahi. Santosa, Kholid O. 2015. Pendahuluan: Dua Legendaris Tumbal Revolusi. Nasa Tan Malaka dan Sjahrir: Dalam Kemelut Sejarah, pat. Kholid O. Santosa, 7-12. Bandung: Sega Arsy. Tan Malaka (TM). 2014. Jejak Tan Malaka di Republik Muda dalam Soegeng Sujadi Forum. Websayt ng Youtube, pinost noong Pebrero 10, https://goo.gl/6QWJpd (nakuha noong Mayo 1, 2015). Ulum, Miftahul. 2009. Tan Malaka Digelari Filsuf Indonesia. Harian Jogja, Setyembre 9. Victoria, Ferdinand Philip F. 2015a. The Case of a “Fake” Filipino. Philippine Bayanihan News, Mayo. Victoria, Ferdinand Philip F. 2015b. Indonesian Patriot Tan Malaka and His Experience as “Filipino.” Philippine Bayanihan News, Abril. Wirawan, Erik. 2011a. Tan Malaka. Websayt ng Youtube, pinost noong Mayo 5, https://goo.gl/H0UYjF (nakuha noong Hulyo 14, 2015). Wirawan, Erik. 2011b. Tan Malaka. Websayt ng Youtube, pinost noong Mayo 5, https://goo.gl/zTeCpo (nakuha noong Hulyo 14, 2015). Zed, Mestika. 2010. Tan vs. Pemberontakan, 1926-1927. Nasa Tan Malaka: Bapak Republik yang Dilupakan, pat. Arif Zulkifli, 146-151. Jakarta: KPG at Tempo, 2015. Zulkifli, Arif, pat. 2010. Tan Malaka: Bapak Republik yang Dilupakan. Jakarta: KPG at Tempo, 2015.
88
VICTORIA: Mga Bagong Pag-aaral Tungkol kay Tan Malaka